Si Fernão de Magalhães (pinakamalapit na bigkas /fekh·néw ji ma·ga·lyáysh/) (1480–Abril 27, 1521; Fernando de Magallanes sa Kastila, Ferdinand Magellan sa Ingles) ay isang eksplorador na Portuges na naglayag para sa Espanya. Siya ang kauna-unahang nakapaglayag mula sa Europa pakanluran patungong Asya, ang unang Europeo na nakatawid ng Karagatang Pasipiko, at ang namuno ng unang ekspedisyon para sa sirkumnabegasyon ng daigdig. Bagaman nasawi siya sa Pilipinas at di nakabalik sa Europa, 18 sa kanyang mga tripulante at isang barko ang nakabalik sa Espanya noong 1522, at natupad ang pangarap na paglibot sa buong mundo. Namatay siya sa Pilipinas dahil sa hidwaan ng mga katutubo.